LUMULUSOT ANG LIWANAG ng araw sa awang ng mga dahon,
sa mga sanga ng asana at yakal. Na bumibitaw na sa pagkakapit sa bawat lupa’t
tarik.
Gasinulid ang bawat silahis. Kaliwa’t kanan ang
galaw. Tila naghahanap ng kumakawalang buhay- mga butong dahan-dahang nabibiyak
at nanganganak ng mumunting dahon. Mga butong nagawang pakapitin ang ugat sa
mamasa-masang lupa. At umilalim malayo sa mata ng nagngingitngit na araw.
Naglalagablab. Gumagatong sa buong uma- mga palayang hitik sa ipa, mga kural at
manukang ipot at tae na lamang ang naninirahan. Mga kubong itinayo mula sa
anahaw, sawali, kawayan at tapang. Tanging
abo’t alipato na lamang.
Sinalubong ng mga itim na usok na unti-unting
umaakyat sa langit ang liwanag na nagsimula nang gumapang sa lupang kinukumutan
ng abo at alipato.
Umakyat nang umakyat ang mga ito nang iniangat
ng Habagat. Hanggang maipon at maging mga ulap. Hanggang maging makapal na
ulap. Makapal na makapal na itim na ulap.
Gasinulid ang bawat liwanag, para bang malapit
nang mapigtas. Kusang umuusad, pumapasok. Pilit sumisingit sa nagkakapalang
ulap. Bagama’t tirik ang araw ay kulay-gabi ang lahat. Nagmamadaling umapak sa
lupa ang mga patak ng ulan. Dinidiligan ang mukha ng isang marungis na manika. Pinupuno
ang plangganang nawalan ng laman. Hinuhugasan ang mga itak na kinalawang na’t
pumurol.
Sumasabay ang palakas nang palakas na mga
bulong. Mga sipol. Mga huni. Mga halakhakang wala naman.
NAGDADABOG ang mga patak ng ulan sa iyong
dibdib. Naghilamos sa iyong mukha. Unti-unti. Minamanhid ang kabuuan mo ng
kirot at kislot. Bago pa man lamunin ang uma ng usok at dilim, agaran ka nang
dumilat.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento